Tuesday, October 25, 2016

Tagalog Poem: Unang Pag-ibig ...


Unang Pag-ibig


Sa makulimlim na bahagi ng kanyang nakaraan
Ay nagtatago ang isang damdaming natatakot at napapako
Nasisiyahan sa munting liwanag na nakapuslit sa isang maliit na butas
Na animo'y nangangako ng isang napakagandang bukas

Paminsan-minsan sa butas na iyon ay sumisilip itong damdamin
Naghihintay na madama at mapalaya sa dilim
Kaya't noong ang liwanag ay biglang nag-iba
Damdaming nagtatago ay nagpupumilit kumuwala

Sa kamay ng kalungkutan siya ay nagpupumiglas
Ngunit sa pagmamadali'y napaso sa nararamdamang nagniningas
At nabatid n'yang liwanag na dulot sa kanya
ay unang pag-ibig na daraan lang pala.

Isang pag-ibig na ang aral ay magmahal at magpalaya
Magmahal at magdulot ng ligaya, magmahal ng di umaasa.
Magpalaya at magparaya, magpalaya at lumaya.
Lumaya at ng pagmamahal ay maibahagi sa iba.

Unang pag-ibig: unang ligaya't unang pighati.
Unang kalungkutang hindi malirip.
Unang pagsusulit ng damdaming nagmahal ng labis.
Mga salamisim na kahit kailan ay hindi mawaglit.

No comments:

Post a Comment